PrimeWater Quezon Metro, ipapatawag sa Sangguniang Panlalawigan
Ipatatawag sa susunod sa session ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon para sa information hour ang mga taga-PrimeWater Quezon Metro upang alamin ang estado ng water supply sa mga lugar na kanilang pinagseserbisyuhan, mga contingency plan sa ano mang aberya at mga future development.
Bunsod ito ng isinagawang privilege speech ni Quezon 1st District Board Member Julius Luces noong May 3 sa regular session ng Sangguning Panlalawigan na may pamagat na “Water Supply Status, Contingency Plan and Future Development on areas provided under PrimeWater Quezon Metro” matapos na makaranas noong mga nakaraang linggo ng water interruption ang maraminng residente ng ilang barangay sa Lucena City, Tayabas City at iba pang lugar dahil umano sa isinagawang emergency leak repair sa kanilang tubo sa bahagi ng Tayabas.
Bahagi ng pribilehiyong pananalita ni Bokal Luces ang ilang katanungan na siyang importanteng malaman raw ng mga concessionaire ng PrimeWater Quezon Metro gaya ng kalagayan ng pagsusuplay nila ng tubig, mga nakahandang plano sa mga lugar na maapektuhan na naman ng water interruption at kung magkakaroon ba ng karagdagang source ng tubig ang PrimeWater para tugunan ang kakulangan ng daloy ng tubig sa iba pang mga lugar, mga bagay na ilan din sa nais malaman ng mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan buhat mismo sa mga opisyal ng PrimeWater.
Samantala, dati nang inimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Primewater Quezon Metro para sa ilang katanungan subalit hindi ito tumugon sa paanyaya pero sa pagkakataong ito sinabi ni Bokal Luces sa kapulungan na posible raw na makarating ang ilang resource person ng PrimeWater para sa information hour sa mga susunod na sesyon.
Kamakailan lang personal na dumulog sa opisina ng PrimeWater ang nasabing bokal upang alamin ang dahilan ng nangyaring water interruption na naranasan ng maraming residente sa Tayabas at Lucena City.