Mga pangunahing kalsada sa Quezon, ininspeksyon para sa Undas
Puspusan ang paghahanda ng Land Transportation Office (LTO) upang panatilihing ligtas ang mga lansangan sa darating na Undas.
Nitong Martes, nagsagawa ng inspeksyon ang ahensiya kasama ang Quezon PNP at Quezon PDRRMO sa mga pangunahing kalsada sa Pagbilao at Lucena City kaugnay sa “Oplan Biyaheng Ligtas – Undas 2022”.
Inalam ng grupo ang mga critical areas na posibleng maging bottlenecks/traffic congestion at accident prone areas sa Quezon patungong Bicol Region dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga bibiyahe ngayong Undas.
Pinangunahan ito ni LTO Region IV-A Assistant Regional Director, Atty. April Casabuena, Chief Franz Salamat ng LTO Catanauan at Quezon PNP Director, PCOL Ledon Monte.
Tinukoy din ng Task Force Byaheng Ligtas ang mga lugar na maaaring isailalim sa road reblocking at road clearing upang maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko.
Samantala, nito ding Martes isinagawa ng LTO ang Deputation Training Seminar sa Quezon Police Provincial Office upang matiyak ang kahandaan ng mga traffic enforcer at kapulisan sa pagpapatupad ng batas-trapiko at pagtataguyod ng kaligtasan sa kalsada sa lalawigan.