Marilaque Highway, bantay sarado na ng Rizal PNP, HPG, LTO
Matapos ang viral video ng di umano’y karera sa Marikina-Rizal-Laguna-Quezon o MARILAQUE Highway kung saan nasawi ang isang rider at nasugatan ang ilang bystander, mahigpit na ngayong binabantayan ng Rizal PNP katuwang ang Highway Patrol Group (HPG) at Land Transportation Office (LTO) ang naturang kalsada.
Nanawagan si Rizal Police Provincial Office Director, PCol. Felipe B. Maraggun sa mga motorista na hindi isang ‘race track’ ang nabanggit na highway bagkus ay isang tanyag na destinasyon sa Tanay na dinarayo ng mga turista.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng “Project SERS” o Simultaneous Enforcement of Traffic Laws and Ordinances for Road Safety ang mga awtoridad laban sa hindi disiplinadong pagmamaneho partikular na ang mga gumagawa ng ‘superman’ stunt.
Samantala, inihayag ng LTO na maglalabas sila ng show cause order para sa rider na nakaligtas sa insidente.
Ayon sa ahensya, pagpapaliwanagin ang driver kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya matapos ang ‘di umano’y karera na nauwi sa disgrasya.
Mahaharap din umano ang survivor rider sa kabi-kabilang kaso.

