Mas mahabang operasyon ng Lucban Genesis Transport Service Multi-purpose Cooperative, malaki raw ang magiging epekto sa mga tsuper ng jeepney na biyaheng Gulang-Gulang
Malaki raw ang magiging epekto sa mga jeepney driver ng biyaheng Gulang-Gulang to Bayan sa Lungsod ng Lucena.
Ito’y matapos ipatupad ang mas mahabang operasyon ng Lucban Genesis Transport Service Multi-purpose Cooperative sa kanilang mga modernized jeepney para sa rutang Lucban to Lucena (vice versa) matapos silang makipag-ugnayan sa Pamahalaang Bayan ng Lucban, Quezon at Sangguniang Bayan nito.
Sinabi ng tsuper na si Rioflorido Hobito, apektado sila sa mas mahabang operasyon ng naturang modernized jeepney.
“Medyo apektado dahil minsan sila naglilibre-sakay eh. Talagang talo kami ‘pag mainit dahil sila ay aircon”.
Ganito rin ang opinyon ng ilan pang tsuper ng biyaheng Gulang-Gulang to Bayan…
“Makakaapekto po boss sa pamamasada namin gawa ng kakaunti naman ang pasahero sa kanila po sasakay dahil sa aircon po”.
“Malaki ay sa kanila sasakay eh”.
Matatandaang nagsimula ang bagong schedule ng biyahe noong February 6, 2023.
Ang Lucban to Lucena ang first trip ay mag-uumpisa ng alas 4:30 ng umaga at ang Last Trip nito ay alas 8:30 ng gabi habang ang Lucena to Lucban naman ay mag-uumpisa ng alas 5:00 ng umaga at ang Last Trip nito ay alas 9:30 ng gabi.