News

Mataas na presyo ng bilihin, dahilan daw sa nararanasang hirap ng buhay

Kung ikukumpara raw noon sabi ng ambulant vendor na si Aling Dolores, mas mahirap ngayon ang pamumuhay.

Ramdam na ramdam niya sa kanyang paghahanapbuhay, mas maliit ang kinikita niya ngayon kaysa noon sa kanyang paglalako ng kakanin. Ang epekto, hindi na sumasapat ang kanyang kita sa pangangailangan.

“Dati sir ay nakakalimang daan ko, ngayon ay P250” sabi ni Aling Dolores.

Sabi niya hindi lang daw siya ang dumadaing ngayon ng hirap ng buhay, maging ang iba pa.

Samantala, base sa isinagawang 2nd Quarter survey ng OCTA Research group, dumami pa ang ang bilang ng mga pamilyang Filipino na nagsasabi na ikinukunsidera nila ang sarili na mahirap.

Aminado dito ang ilang natanong ng Bandilyo News. Ang dahilan umano ng kahirapan ngayon ng maraming ordinaryong mamamayan ay ang mataas na presyo ng mga bilihin.

Base sa resulta ng survey, na isinagawa noong Hulyo 22 hanggang 26, 50 porsiyento ng 1,200 respondents ang nagsabi na ikinukunsidera nila ang kanilang pamilya na mahirap.

Ito ay tumataas ng pitong porsiyento kumpara sa naitalagang 43 porsiyento noong Marso.

Ang naitala ay nangangahulugan na 13.4 milyong pamilya sa bansa ang nagsabi na sila ay mahirap, kumpara sa 11.3 milyon sa naunang survey ngayong taon.

Noong nakaraang Oktubre ang “self-rated poor” ay 41 porsiyento naman.

Pinakamataas sa nagsabing sila ay naghirap ay sa Mindanao sa 59 porsiyento mula sa 45 porsiyento, bagamat mas mataas ang pagtaas sa Visayas, 57 porsiyento mula sa 37 porsiyento.

Samantala, may naging bahagyang pagtaas din sa Metro Manila (40 porsiyento mula 36 porsiyento) at sa Balance Luzon naman ay naitala ang 46 porsiyento mula sa 47 porsiyento.

Pin It on Pinterest