News

Tagkawayan helpdesk officers na tututok sa kapakanan ng mga OFW, sumailalim sa pagsasanay

Isang capability training ang idinaos kamakailan sa bayan ng Tagkawayan, Quezon upang bigyan ng kasanayan ang mga itinalaga bilang OFW Helpdesk Officers mula sa mga barangay.

Bahagi umano ito ng pagbibigay-prayoridad ng pamahalaang bayan sa kapakanan ng mga mamamayan na nangingibang-bansa.

Ayon sa Tagkawayan LGU, mahalaga ang pagsasanay para sa mga Barangay OFW Helpdesk Officers upang mapalakas ang kaalaman at kakayahan ng mga ito sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya.

Ilan sa mga pinakamahalagang paksa na tinalakay sa training program ay ang pag-unawa sa mga karapatan at benepisyo ng mga OFW; paggabay sa mga serbisyo tulad ng legal assistance, repatriation, at pag-aayos ng kontrata; paghahanda para sa mga kritikal na sitwasyon tulad ng aksidente, krimen, o kalamidad; pagtugon sa mga pangangailangan ng mga OFW sa panahon ng krisis; pagbibigay ng psychosocial support at counseling para sa mga OFW na may pinagdadaanang problema o stress; at tamang pagpoproseso at pag-aayos ng mga dokumento ng mga OFW para sa kanilang proteksyon at benepisyo .

Samantala, bunga ng pinalakas na Serbisyo ng Office of the Municipal Mayor-Public Employment Service Office, nakakapagbigay na ang mga katuwang na ahensya ng Lokal na Pamahalaan ng Tagkawayan gaya ng OWAA at DOLE ng kani-kanilang mga interbensyon sa mga Tagkawayanin OFWs at kanilang mga pamilya katulad ng financial at livelihood assistance.

Pin It on Pinterest