Mga BHW sumailalim sa Lactation Massage Training
Sumailalim sa Lactation Massage Training ang mga Barangay Health Worker (BHW) mula sa 27 barangays ng Pagbilao sa Lalawigan ng Quezon kamakailan na ginawa sa Sentrong Pangkabuhayan Auditorium ng bayan. Layunin ng training na turuan ang mga BHW ng isang mahalagang kasanayan na malaki ang maitutulong sa mga ina at kanilang sanggol. Sa Lactation Massage Training, itinuro ang mga pamamaraan sa pagmamasahe ng suso ng isang ina upang higit na marami ang mai-produce na gatas para sa kanyang sanggol.
Binigyang-diin ni Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic ang kahalagahan ng exclusive breastfeeding sa mga kasisilang pa lamang na bata. Ayon sa alkalde, bukod sa malusog at masiglang pangangatawan, ang isang bata na pinadede ng kanyang ina ay nagkakaroon ng matalinong kaisipan at malakas na panlaban sa mga sakit. Dagdag pa anya dito ay tumitibay ang samahan o “bond” ng ina at kanyang sanggol.
Ang Lactation Massage Training ay isinagawa bilang bahagi ng binubuong programa ng pamahalaang lokal ng Pagbilao na “P1K” o Pagbilao’s First 1000 Days of Life Program na localized na programa ng Q1K ng Pamahalaang panlalawigan ng Quezon. Ang training ay pinamahalaan ng nurses at midwives ng Municipal Health Office, kasama ang representante ng Quezon Provincial Health Office.