News

Delivery rider, kinuyog at pinagsusuntok sa isang gasolinahan sa Lucena City

Iika-ika at halatang nanghihina ang isang delivery rider matapos itong kuyugin at pagtulung-tulungang suntukin ng mga kalalakihan sa isang gasoline station sa Lucena City.

Sa kuha ng CCTV footage ng gasolihan, makikita na biglang inatake ng isang lalaki ang delivery rider sakay ng kanyang bisikleta nang papaalis na ito. Maya-maya pa ilang lalaki pa ang dumating at pinagtulungan itong bugbugin. Sa dami ng kumuyog, napahanduhay na sa sahig ang delivery rider at patuloy pa rin itong pinagsusuntok.

Sinubukan itong awatin ng isang pump attentant ng gasolinahan subalit patuloy pa rin sa pag-atake sa biktima ang hindi bababa sa limang kalalakihan.

Humupa lang ito nang awatin ng isang lalaki, nagtakbuhan ang mga ito nang lumapit upang umawat ang mga bystander malapit sa gasolinahan.

Ayon sa mga empleyado ng gasoline station na tumanggi nang magpa-interview on-cam, nagpapalit lang umano ng pera ang delivery rider sa teller, nang bigla na lamang raw itong sinugod at pagsusuntukin.

Batay sa spot report ng Lucena PNP, sangkot umano ang biktima sa isang road rage o alitan sa kalsada at nag-dirty finger umano. Nang tuluyan nang umalis, matapos ang ilang minuto, inatake na ito ng mga kalalakihan sa gasolinahan.

Nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan ang delivery rider.

Nangyari ang insidente tanghali ng January 8, 2023 sa isang gasoline station sa Quezon Avenue, Barangay 7, Lucena City.

Patuloy na nag-iimbistiga ang Lucena Police upang matukoy ang mga sangkot sa pangbubugbog.

Pin It on Pinterest