Mga dating rebelde sa General Nakar, nakatanggap ng tulong pangkabuhayan
Matagumpay na naisagawa ang programa at seremonya ng “Pamamahagi ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) Para sa mga Dating Rebelde” kahapon, February 8, 2023.
Ito ay pinangasiwaan ng 1st Infantry (Always First) Battalion, 2nd Infantry Division, Philippine Army sa pangunguna ni Commanding Officer Lieutenant Colonel Danilo V. Escandor.
Katuwang sa gawaing ito ang Lokal na Pamahalaan ng General Nakar sa ilalim ng pamamahala ni Punong Bayan, Mayor Esee Ruzol, gayundin ang Tanggapan ng Department of Trade and Industry o DTI na pinangungunahan ni Business Counselor-DTI Nanette Tan.
Sa isang pahayag sinabi ni Mayor Esee Ruzol na seryoso sa pagtulong at pagmamalasakit ang Lokal na Pamahalaan ng General Nakar, kaya naman dapat pahalagahan ang suporta na ibinibigay ng Pamahalaan para sa kanilang ikabubuti.
Binigyang-diin din ng Alkalde sa mga nagbabalik loob na dapat pagandahin at palaguin ang livelihood o business kit na ipagkakaloob sa kanila, dahil kapag nakikita na lumalago at umuunlad ang business kit, mas lalo pang daragdagan ng Punong Bayan ang tulong na ibibigay ng Lokal na Pamahalaan.
Dagdag pa ni Mayor Esee Ruzol na dapat ay lagi isipin ang kapakanan at magandang kinabukasan ng kanilang mga pamilya, kaya huwag sayangin ang tiwala na ipinagkakaloob ng Pamahalaan.