News

Mga gulay na aanihin sa proyektong HAPAG ng DILG, libreng ipagkakaloob sa Brgy. Mayao Castillo

Inilunsad na ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Mayao Castillo sa Lungsod ng Lucena ang “Halina’t Magtanim Ng Prutas At Gulay sa Barangay Project/ Kadiwa Ay Yaman/ Plants for Bountiful Barangays Movement” o HAPAG KAY PBBM kamakailan.

Ayon kay Kapitan Jun Garcia, hindi na raw bago para sa kanila ang programang ito ng Department of Agriculture o DA at ng Department of interior and the Local Government o DILG dahil sa una nilang inilunsad na Gulayan sa Barangay o Paaralan.

“Dati kasi yan ay practice na ng Sangguniang Barangay na magkaroon ng Gulayan sa Paaralan so biglang may bumabang memorandum ang DILG na ang titled ay HAPAG kay PBBM so sakto naman kami ay nakalinang na non noong ibaba yung memorandum na yon kaya kami ay naging pilot barangay sa HAPAG kay PBBM kaya ang ating City Director Engr. Danny Nobleza ay nagsadya dito upang saksihan.”

Ang HAPAG kay PBBM ng nasabing barangay ay matatagpuan sa lumang barangay hall nito sa Purok Central at may lawak itong nasa mahigit 600 sqm.

Limang klase ng gulay ang nakatanim dito gaya kalabasa, sitaw, talong, kalamansi at papaya.

“Bumubuko na nagpahabol ako ng sitaw so gumagapang na rin siya pataas at yung talong, tatlong klase lang yung aking varierty kasi mahirap magdilig summer wala nang tubig.”

“Kaya ang ginawa natin nag-assign tayo ng mga barangay official na magdidilig Monday-Sunday kanya kanya silang schedule ng pagdidilig ang akin na lang yung maintenance.”

Layunin ng proyekto na mayroong pagkukunan ng sapat na pagkain sa mga barangay.

Sinabi ni Garcia, libre niyang ipagkakaloob ang mga bungang aanihin sa programa sa kada purok ng lugar upang makatulong sa mga kabarangay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hinikayat naman ng Punong Barangay ang mga constituents nito na sumuporta sa adbokasisyang ito na tutugon sa sustainable at green community sa buong bansa.

Pin It on Pinterest