Mga mamimili sa Lucena City Public Market, pinag-iingat sa mga kawatan ngayong holiday season
Mas maigting ngayon ang ginagawang paalala kontra krimen sa Lucena City Public Market, isang lingo bago sumapit ang Pasko kung saan sinasabing umaatake ang mga kawatan sa mga matataong lugar.
Sinabi ni Lucena City Public Market Administrator Noel Palomar, ramdam na daw sa pamilihan ang dami ng mga taong namimili. Upang hindi raw mabiktima ng masasamang loob gaya ng pandurukot at salisi, huwag daw bigyan ng pagkakataon ang mga kriminal at maging alisto raw at gawing doble ang pag-iingat.
Bukod daw sa mga security personnel ng palengke, madalas daw ang pag-ikot ng mga kapulisan na naka-duty sa pamilihan.
“Eveyday yoon nagpapaalala, mag-ingat sa mandurukot, mag-ingat sa salisi,” sabi ni Palomar.
Sa ngayon sinabi ng opisyal na wala naman daw masyadong dumudulog sa kanila ng kaso ng pandurukot bagama’t may mga ilang reklamo ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mamimili at maninindahan.
“Sa ngayon wala pang masyadong reported, ang kalimitan ay iyong nahuhulugan at nagkakamaling suklian pero pagdating sa pandurukot ay mayroon din pero hindi ganun kaano,” ani Palomar.
Ganoon pa man, bukod sa mga paalala, nakaalerto na rin ang mga tauhan ng pamilihan upang makaiwas sa krimen ang mga nasa palengke. Nakipag-ugnayan na rin sa hepe ng kapulisan ang pamunuan para sa dagdag na mga police personnel na magbabantay sa pagdagsa ng mga tao ngayong holiday season.
May taong nakatutok rin daw sa kanilang mga CCTV monitor upang malaman ang sitwasyon sa ibat-ibang bahagi ng pamilihan.
Inaasahan na sa mga susunod na araw dadagsain na ng mga mamimili at maninindahan ang pampublikong pamilihan ng Lucena City.