Mga nagdonate ng dugo paparangalan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon
Alinsabay ng pagbubukas ng Niyogyugan Festival ngayong taon, pinarangalan sa Quezon Convention Center ang mga itinuturing na bagong bayani ng lalawigan sa isinagawang 2nd Dugong Quezon Awarding Ceremony. Dumalo sina Provincial Administrator Rommel Edaño, DOH Quezon Officer Dr. Juvy Purino, 2nd Dist. Bokal Beth Sio, QMC Chief of Hospital Dr. Rolando Padre, Ang Dating Daan Representative Brother Roland Antonio at Quezon Council for Blood Services, Ana Maria Martinez. Isinagawa rin sa parehong araw ang malawakang blood donation activity na dinaluhan ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang parte ng lalawigan. Ayon kay Dr. Purino, ang paggawad ng pagkilala sa mga donors ng dugo sa lalawigan ay malaking tulong sa pagpapatatag ng sistema. Sa pamamagitan nito anya ay matitiyak na ang lahat ng Quezonians ay makakakuha ng agarang dugo kung kinakailangan. Ang kanilang tanggapan ay handang umagapay upang matiyak na maipagpapatuloy ang magandang gawaing ito ng lalawigan.
Binigyang-diin naman ni Ms, Ana Martinez ang kahalagahan sa pagbibigay ng pagkilala sa mga voluntary donors na tatanggap ng Dugong Quezon Recognition Award. Ito anya ang magsisilbing motibasyon sa mga miyembro ng LGU upang magbigay ng taos-pusong pakikiisa sa mga ganitong uri ng programa. Nagpasalamat din si QMC Chief of Hospital, Dr, Rolando Padre sa patuloy na pakikiisa ng mga Quezonians upang maparami ang stock ng dugo sa lalawigan.