Mga ordinaryong mamamayan, sinabing uminom ng tubig at umiwas sa araw para iwas heat stroke ngayong tag-init
Damang-dama na raw ni Nanay Leticia na isang senior citizen ang panahon ng tag-init. Kaya naman sa edad niyang 66 na taong gulang ay mahalaga raw ang pag-inom ng tubig para maiwasan ang dehydration sa gitna ng matinding init.
“Uminom ng tubig at mag-exercise tayo lagi para makaiwas sa heat stroke at kumain ng masusustansiyang pagkain.”
Sinabi naman ni Vicky at Onan, ang pag-inom ng maraming tubig at madalas na pagligo ngayong summer season ay importante bilang pag-iingat sa kalusugan.
“Inom po ng maraming tubig at tsaka magsuot lang ng mga loose na damit para hindi po masyadong absorb ng katawan yung init then kung wala naman talagang gagawin sa labas ay magstay na lang sa bahay,” ayon kay Vicky.
“Maligo at uminom ng maraming tubig o kaya ay magpayong, magsumbrero para hindi masyado maanuhan ng init,” sabi ni Onan.
Una nang nagbabala si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa publiko ukol sa “heat stroke” ngayong nakakaranas ng matinding init ang bansa.
Ayon sa Senadora, kailangang maglatag na ng agarang mga aksyon para tugunan ang banta dulot ng mataas na temperatura kabilang ang malawakang information campaign ukol sa first aid measures sa heat stroke, pagpapadala ng mga LGUs ng babala tungkol sa init sa pamamagitan ng text messages sa mga nasasakupan at pagpapatunog ng siren warnings kapag ang temperatura ay humantong na sa “dangerous level”.