Mga panaderya, apektado na sa mataas na presyo ng asukal
Apektado na ang ilang maliliit na bakery sa Lucena City sa mataas na presyo ng asukal.
Isa kasi ito sa pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay. Kaya ang mataas presyo ng asukal ngayon ay dagdag pasanin ng mga bakery owner.
Sa panaderya na pag-aari ng pamilya ni Mary Grace, nagbawas muna sa timbang ng kanilang mga tinapay upang hindi naman malugi, sinabing isa raw sa dahilan ang mataas na presyo ng asukal.
“Sa pagliit ng tinapay, nagrereklamo ang mamimili,” ayon kay Mary Grace.
Hindi raw kasi makapagbawas ng asukal ang kanilang panadero sa ginagawa nilang tinapay, mababawasan daw kasi ang lasa nito at bababa rin ang kalidad ng kanilang tinapay na ibinebenta.
“Hindi kasi pwedeng wala kasi siguro kasama sa pag-alsa ‘yung asuka. So paano ‘yun? Mahal ngayon ang asukal? Syempre ang tinapay ay maliit pero ang presyo ganun pa rin kasi kung magbabawas kami mag-iiba ng timpla,” dagdag pa ni Mary Grace.
Sa panaderyang pinagtatrabuhan ni Lyn, sa paggawa ng tinapay medyo nagbawas na muna sa sangkap na asukal. Aminadong apektado na ang may-ari sa mataas na presyo nito. Imbis na timbang ng tinapay asukal na lang sa paggawa ang binawasan nila.
“Kaunti lang pong bawas, kailangan talaga magbawas dahil mahal ang asukal. Hindi naman, kaunti lang naman dahil mawawalan naman po ng lasa,” sabi ni Lyn, tindera sa panaderya.
Hindi naman daw kasi kaagad na makapagtaas sa presyo ng tinapay ang ilang mga bakery sa siyudad, mas maapektuhan daw ang mamimili.
Samantala, pinag-aaralan ngayon ng isang grupo ng panadero ang posibleng pagbabawas ng asukal sa pandesal dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo nito sa merkado.
Ayon kay Asosasyon ng Panaderong Pilipino, pumalo na sa P5,000 ang presyo ng kada sako ng asukal mula sa dating P2,500.
Aniya, sa pamamagitan nito, makakasabay ang mga bakers sa tumataas na gastos sa paggawa ng pandesal at maibabalik ang original recipe nito.
Nabatid na noong 1960s at 1970s, kilala ang pandesal na low sugar content.