Programang MAMA ng Lucena LGU, maganda ang epekto sa mga batang malnourished sa Brgy. 9
Inilunsad kamakailan ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ang Programang Movement Against Malnutrition o MAMA sa bawat barangay sa pangunguna ni Mayor Mark Alcala na layuning solusyunan ang malnutrisyon ng mga bata sa lungsod.
Sa Brgy. 9, ayon kay Kapitana Filipina Flancia, sa loob pa lamang ng 9 na araw ang mga beneficiaries ay kinakitaan ng malaking pagbabago sa kanilang mga timbang na nasa ilalim ngayon ng supplemental feeding for MAMA sa lugar.
“Nakita po naming ang kinalabasan sapagkat ang mga batang pinapakain namin ay tumataas na po ‘yung timbang sapagkat nakakatuwa nga po itong programang inilunsad sa atin ay talaga pong nakakatulong sa aming mamamayan, sa aming mga bata mga malnourished,” ani Flancia.
Aniya, maganda raw ang epekto ng naturang programa dahil nasusulusyunan ang malnutrisyon ng mga bata.
“Napakaganda po ng epekto ng programang ito sapagkat nabibigyan ng pansin ang mga batang malnourished tsaka din po ‘yung mga magulang na alam din po nating malnourished isinasama na rin sila sa pagkain.”
Ang naturang programa ay may layuning maibsan ang bilang ng maraming bata na kulang sa timbang o payat at kulang sa sustansiya. Sa pagtatapos ng proyekto, inaasahan na makapagbibigay ito sa bawat benepisyaryo ng kaukulang food supplements, at least 70% na pagbabago sa nutritional status at patuloy na pagbaba ng prevalence rate of malnutrition sa lungsod.
Sinabi ni Flancia na kada araw ay pinapakain nila ang 12 batang malnourished sa ilalim ng supplemental feeding for MAMA. Tatagal daw ang programa hanggang 36 na araw.
Tiniyak ng punong barangay na kahit matapos 36 na araw ang programa ay magtutuloy-tuloy ito sa lugar dahil maganda ang layunin nito.