MusiKalayaan itinampok sa Lucena City bilang paggunita sa ika-125 anibersaryo ng kalayaan
Sa pamamagitan ng musika, ginunita ng kasundaluhan at iba pang unipormadong ahensya ng pamahalaan kasama ang mga kabataan sa Lucena City ang pag-alala ng ika-125 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa.
Inilunsad sa Perez Park sa Lucena City ang MusiKalayaan, isang pagtatanghal ng mga banda ng iba’t ibang uniform agency na layong ipabatid sa mga kabataan ngayon ang kahalagahan ng pag-alala ng kasarinlan ng bansa sa kamay ng mga mananakop isandaan at dalawampu’t limang taon na ang lumipas.
Bagay na dapat na patuloy na pinapahalagahan ngayon sa makabagong henerasyon, ayon sa 2nd Civil Relation Groups na silang nag-organisa ng aktibidad na may temang “Kalayaan, Kinabukasan at Kasaysayan”.
“Ang kalayaan natin ay ipinapahayag natin sa pamamagitan ng mga awitin at pukawin po natin ‘yung mga emosyon ng ating mga kababayan dito lalo na ang mga kabataan na sila po ay magtulong-tulong dahil sila po ang kinabukasan ng ating bayan,” sabi ni CMD Jeffrey Magbanua ng 2CRG.
Kasabay ng mga awitin ng mga bandang nagtanghal ang pagwagayway ng mga kabataan ng bandila ng bansa. Hindi lang daw sila nag-enjoy, namulat pa sa halaga ng paggunita sa pagiging malaya.
“Bukod sa magiging aware ‘yung mga kabataan, ito pong natatamasa naming kalayaan ngayon ay dahil po ‘yan sa mga bayani na nakipaglaban kaya napakahalaga po na ginugunita ang Araw ng Kalayaan,” sabi ni May Joy.
Sa makabagong panahon ngayon, mahalaga raw para sa sektor ng kabataan ang ganitong uri ng programa upang higit na mamulat sa naging sakripisyo ng mga bayani sa tinatamo ngayong kalayaan ng bansa. Bagay na lubos ang pagsuporta ng Liga ng Sangguniang Kabataan sa Lungsod ng Lucena.
“At syempre napakahalaga sa pamamagitan ng ganitong uri ng programa, makabago at modernong pagsasagawa ng pag-aalala sa Araw ng Kasarinlan ay mas mamulat ang mga kabataang Lucenahin sa tunay na sakripisyo ng ating mga bayani sa pamamagitan ng pag-alay ng musika, sayaw at iba’t ibang pamamaraang pagkilala upang makamtan natin ang atin pong Kalayaan,” sabi ni SK Federation President Rolden Garcia.
“Ito po ay magiging every year na siya upang ang ating mga kababayan dito sa Lucena ay kasama natin na mag-celebrate nationwide. Ito ay isinusulong na magiging patriotism ‘yung ating ipinaparating sa buong bayan,” saad ni CMD Jeffrey Magbanua ng 2CRG.
Sa harap ng mga kabataang Lucenahin, tumugtog ang SOLCOM Band, PNP Band, banda mula sa BFP at BJMP at mga local talents mula sa sektor ng kabataan.
Natunghayan din sa gabing ito ang iba pang pagtatanghal gaya ng DLL Coral, DLL Dance Company at iba pa.
Sa MusiKalayaan na ito, marami ang nag-enjoy.
Ang pagmamahal sa Bayan at pagpapahalaga sa tinamong kalayaan ng bansa ang tunay na pakay ng programang ito na inilunsad din sa iba pang bahagi ng bansa.