Proyekto para sa ligtas at malinis na tubig, inilunsad ng DAR sa Tagkawayan
Pormal na inilunsad kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Community-Managed Potable Water Supply Sanitation and Hygiene (CP-WASH) Project sa Brgy. Bamban, Tagkawayan, Quezon.
Layon ng CP-WASH Project na magbigay ng ligtas at malinis na suplay ng tubig sa mga lugar na malalayo.
Tinatayang nasa P135,000 ang kabuuang halaga ng proyekto na ipinagkaloob sa Mabaang Bamban Didiclim Farmers Association (MBDFA).
Ang proyekto ay naglalayong hindi lamang magbigay ng tubig, kundi pati na rin ng mga kagamitan at kaalaman sa sanitasyon at kalinisan.
Sa pamamagitan ng mga pagsasanay at edukasyonal na programa, ang mga komunidad ay matuturuan kung paano pangalagaan ang kanilang mga sistema ng tubig at mapanatili ang kalusugan at kalinisan sa kanilang mga tahanan at paligid.
Ayon sa ahensiya, inaasahang higit 80 Agrarian Reform Beneficiaries at residente ng Brgy. Bamban ang makikinabang sa proyekto.
Dumalo sa launching at paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) si Engr. Renato Jaca, Ma. Rowena B. Bilog mula sa DAR-Quezon, Municipal Vice Mayor Danilo Liwag at Executive Assistant Michael Glenn Tolentino ng Tagkawayan LGU.
Sa ngayon, ito na ang ika-10 CP-WASH project na inilunsad na DAR Quezon II sa ilalim ng nasasakupan nito mula noong 2013.