Magsasaka patay matapos na makuryente sa Buenavista, Quezon
Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang magsasaka matapos makuryente sa Brgy. Bulo sa bayan ng Buenavista, Quezon.
Kinilala ng Buenavista PNP ang biktima na si Teodolfo Escala, 51-anyos, residente ng Brgy. Bagong Silang sa naturang bayan.
Batay sa report ng pulisya, napag-alaman na dakong alas-3 ng madaling araw nang umalis ang kaniyang asawa sa kanilang bahay para pumunta sa Barangay Bulo para mag-copra.
Ngunit dakong alas-5:30 naman ng umaga nang madiskubre ng isang Felizardo Gonzales ang katawan ng biktima na wala nang buhay malapit sa puno ng niyog at mayroong indikasyon ng pagkakakuryente sa kaniyang kanang braso.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nakita rin umano ni Gonzales ang isang wire na nakalaylay sa sampayan ng mga damit na pinaniniwalaang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Sa ngayon wala naman umanong nakitang indikasyon na nagkaroon ng foul play sa nasabing pangyayari.