News

Nasa P85-K na halaga ng mga gamit at gamot sa isang Barangay sa Real, Quezon, sinira

Natagpuang magulo at sira-sira ang mga gamit sa barangay health station ng Tignoan sa bayan ng Real, Quezon sa unang araw ng bagong taon matapos pasukin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Umaga nitong Linggo, January 1, nang matuklasan ng barangay health worker ang insidente na kukuha sana ng mga gamot.

Ayon sa imbestigasyon ng Real PNP, nakapasok ang salarin sa pamamagitan ng pagtanggal ng sliding window ng center, sa pagitan ng 1:30 y media ng hapon nitong December 23 hanggang nitong 8:45 ng umaga nitong January 1.

Nagkalat sa loob ng health station ang mga sirang gamot, bakuna, mga dokumento at iba pang mga gamit gaya ng isang (1) tv, isang (1) router, isang (1) thermometer at isang (1) blood pressure apparatus na tinatayang nagkakahalaga ng higit P85,000.00

May papel ding nakapaskil sa dingding na nurse’s room kung saan nakasulat ang mga salitang “ang damot nyo sa gamot” at papel na nakapatong sa nurse’ table na nagsasabing “kaylangan ng asawa ko ng damot hindi nyo binigyan mga h**** kayo”.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.

Pin It on Pinterest