News

Ordinansa para maprotektahan ang mga business establishment sa anumang uri ng kalamidad, isinusulong sa Lucena City

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang panukalang ordinansa na magbibigay ng insurance para sa mga business establishment sa lungsod na ito.

Ang naturang panukalang ordinansa ay inihain ni Konsehal Dr. Edwin Pureza, Chairman ng Committee on Trade and Commerce at may pamagat na “Ordinance Prescribing Property & Comprehensive Public Liability Insurance as Additional Requirement in the Issuance of Business Permit”.

Ayon kay Pureza, makakatulong ang naturang ordinansa sa mga business establishment sakali mang sila ay may kaharapin na anumang uri ng sakuna.

“Una na pong ordinansa na pinapasa ni Dr. Edwin Pureza ay pagsasagawa ng mga insurance policies para sa mga business establishment natin at ito ay makakatulong kung saka-sakaling magkakameron ng haharaping sakuna katulad ng bagyo, lindol at pagkameron ng sunog para masiguro na tuloy-tuloy ang negosyo sa Lungsod ng Lucena,” ani Pureza.

Nakatakda raw isagawa ang committee hearing sa katapusan ngayong buwan ng Pebrero para malaman ng mga kasamahang konsehal sa sanggunian ang isinusulong na panukala.

Aniya, sa oras na maging ganap na ordinansa, isa ito sa mga magiging pangunahing requirement ng mga business establishment para makakuha ng permit.

“Alam nyo naman ang Lungsod ng Lucena ay prone talaga sa mga ganitong kalamidad kung kaya gusto nating isinulong na maproteksyunan ang mga business establishment sa Lungsod ng Lucena. Itong ordinansa na ito ay magiging at kung maaaprubahan ay magiging requirement ng ating mga business establishment para makakuha ng kanilang permit sa kanilang mga business,” sabi ni Pureza.

Pin It on Pinterest