Pagbubuwis sa mga single-use plastic bag, magpapataas daw ng presyo nito
Bagama’t maraming ordinansa na sa paglilimita ng paggamit ng plastic sa ilang mga palengke, sabi ng ilang mamimili at maninindahan hindi raw talaga maiwasan na gumamit nito.
“Hindi talaga maiwasan gaya kapag binili mo ay basa tulad ng isda, kapag sa papel ay mananabog,” ayon sa isang mamimili.
Ganito rin ang katwiran ng ilang maninindahan.
“Talagang hindi maiwasan, nakakaawa naman yoong mga gumamit ng papel, nawawasak. Paano ‘yung kanilang dinadala?,” sabi ni Precilla na isang tindera ng isda.
Ang mga ginagamit nilang plastic na pambalot sa kanilang ibinebentang paninda tumaas na rin ang presyo gaya ng plastic na pang-isang kilo na nakariwang ginagamit ni Aiden sa pagbebenta ng kakanin, nasa P15 na rin aang itinataas sa presyo.
“Ito po ay 35 dating 18-20, 35 na ngayon,” sabi ni Aiden na tindera ng kakanin.
Samantala may panukala sa Kongreso na lagyan ng buwis ang mga single-use plastic bag. Pasado na ito sa mababang kapulungan.
Sa botong pabor ng 255 na mga kongresista kung saan tatlo lamang ang tumutol ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4102 o panukalang magpapataw ng P100 excise tax sa kada kilo ng single-use plastic bags.
Kasama rito ang mga plastic na yari o gawa sa synthetic or semi-synthetic organic polymer tulad ng ‘ice,’ ‘labo,’ o ‘sando’ bags, may handle man o wala na gamit sa packaging ng iba’t ibang produkto.
Base sa panukala, ang buwis ay itataas ng apat na porsyento kada taon simula January 1, 2026.
Ang ilang maninindahan tila hindi pabor dito. Kung mataas na daw ngayon ang presyo nito sakaling patawan na ito ng buwis, tiyak raw na mamahal ang presyo ng plastic na dagdag expenses para sa kanilang maninindahan.
“Naghihirap na ang mga tao, pati ba naman ‘yan sa mahal na nga ng halaga n’yan pataas pa ng pataas ang bilihin pati ba ‘yan bubuwisan, patatas pa ng pataas ‘yan,” opinyon ni Precilla na tindera ng isda.
“Kapag ganoon po ang nangyari mag-i-increase na naman ito naman po sa amin ay pambalot lang so malaki ang impact sa amin dagdag sa expenses,” ayon kay Aiden na tindera ng kakanin.
Ang House Bill 4102 ay pinagsamang panukala na inakda nina Congressmen Joey Salceda, Horacio Suasing at Mikaela Angela Suansing.
Ang kikitain dito ito ay ilalaan sa mga programa ng Department of Environment and Natural Resources alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act.
Ayon kay Salceda, mas makatwiran ang pagpataw ng excise tax sa mga plastic bag, kaysa sa tuluyang pag-ban o pagbawal ng paggamit nito.