News

6 na Mangingisda, arestado dahil sa illegal fishing sa Padre Burgos at Pagbilao, Quezon

Anim na mangingisda ang inaresto ng PNP Maritime Group-Quezon dahil sa paglabag sa Section 86 ng Republic Act 10654 o hindi awtorisadong pangingisda sa katubigan ng bayan ng Padre Burgos, Quezon at Pagbilao, Quezon.

Unang ikinasa ang operasyon kaninang alas 5:30 ng umaga na kung saan tatlong mangingisda ang nadakip sa shoreline ng Brgy. Tulay Buhangin ng Padre Burgos dahil sa naturang paglabag.

Nakuha sa mga ito ang isang box ng Dilis na may timbang ng humigit-kumulang 6 na kilo na nagkakahalaga ng P300.

Sa kasunod na operasyon naman bandang alas 6:30 ng umaga, tatlong mangingisda rin ang nahuli sa shoreline ng Brgy. Ibabang Pulo, Pagbilao, Quezon.

Nakumpisa sa kanila ang isang box ng Dilis na may timbang na humigit-kumulang na 30 kilo na nagkakahalaga ng P2,500.

Ayon kay PMAJ. Francisco Gunio, ang hepe ng Quezon Maritime Police Station, inaresto ang mga suspek dahil sa hindi awtorisadong pangingisda ng mga ito sa katubigan ng mga nasabing bayan.

Narekober din ang mga fishing paraphernalia.

Dinala na sa kustodiya ng pulisya ang mga suspek pati na ang mga nakuhang ebidensiya para sa kaukulang imbestigasyon.

Sinabi pa ni Gunio, lalo pang pinaiigting ang anti-illegal fishing campaign sa mga karagatan ng lalawigan.

Ito ay upang ganap nang masugpo at mawala na ang iligal na pangingisda partikular ang paggamit ng mga explosive o dinamita at iba pang mapaminsalang kemikal upang maprotektahan na rin at mapreserba ang mga yamang-dagat at mapanagot o maparusahan naman ang sinumang lalabag hinggil dito.

Pin It on Pinterest