Pagdeklara ng ilang kalsada sa Quezon bilang ‘national road’, suportado ng SP Quezon
Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang resolusyon na nagsusuporta upang gawing national road ang ilang kalsada sa probinsya.
Kabilang dito ang MSR Calumpang – Tayabas Road, Tayabas – Pagbilao Road, Infanta – General Nakar Road, at Pollilo – Burdeos – Panukulan Road.
Sa regular sesyon ng sanggunian nitong Lunes, sinabi ni Quezon Fourth District Board Member Isaias Ubana II na kailangan ang naturang resolusyon sa pagpapasa ng pangangasiwa ng mga kalsada sa nasyunal na pamahalaan.
“Hinihiling po ang kaukulang resolusyon bilang kalakip na supporting document na isusulit sa DPWH-Central Office upang ang nasabing kalsada ay maideklarang national road”.
Ayon pa sa Bokal, makakatulong ito sa pamahalaang panlalawigan sapagkat mababawasan ang pondong mailalaan sa pag-maintain ng mga lansangan sa lalawigan.
“Ito po ay makakabuti sa atin sapagkat ang mangangasiwa na po o magpopondo na ng mga nasabing lansangan ay maaalis na sa pamahalaang panlalawigan at maililipat na po sa national government.”
Isinagawa nitong Enero 30 ang ika-29 na Pangkaraniwang Pulong ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Vice Governor Third Alcala.