News

LGU Gumaca, sinigurong walang smuggled na puting sibuyas sa kanilang pamilihan

Bilang pagtalima at agarang pagkilos sa panawagan o payo ng Department of Interior and Local Government o DILG na nakasaad sa Advisory ni DILG Usec. Marlo Iringan, na mapigilan at mahinto ang pagdami ng mga hinihinalang “smuggled” ng puting sibuyas sa mga lokal na pamilihan.

Agad na binigyang-mandato ni Mayor Webster D. Letargo si Gumaca MPS Chief PMaj. Lowell Atienza upang ma-inspeksyon ang Pamilihang Bayan sa Gumaca, Quezon.

Ayon sa paunang ulat ay mayroon nang dalawang manininda sa palengke na nahulihan ng ganitong uri ng paninda.

Sa advisory na ito ay pinaalalahanan ng DILG ang mga Lokal na Pamahalaan sa kanilang mandato na pamahalaan ang pagbebenta ng karne, manok, isda, gulay, prutas, sariwang produktong gawa sa gatas at iba pang pagkaing para sa pampublikong konsumo.

Kaya naman naaayon sa mandatong ito na siguraduhing walang “smuggled” na puting sibuyas ang maibebenta sa mga palengkeng nasasakupan nito at mabigyan ng kaalaman ang mga mamamayan tungkol dito.

Inaanyayahan din ng ahensiya ang lahat na magtulungan sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pagkain para sa pampublikong konsumo, habang pinoprotektahan ang mga lokal na producer ng sibuyas mula sa mga walang prinsipyong mangangalakal at importer.

Hindi lingid sa lahat ang posibleng masamang epekto nito sa kalusugan kaya naman dapat mahinto ang pagpasok at pagbebenta nito sa mga Pamilihang Bayan.

Pin It on Pinterest