News

Paggunita ng unang araw ng Undas 2022 sa St. Ignatius de Loyola Memorial Park, pangkalahatang mapayapa -PNP

Masayang ibinalita ng Lucena PNP sa Bandilyo News Team ang maayos na koordinasyon ng publiko sa St. Ignatius de Loyola Memorial Park sa Lungsod ng Lucena matapos na maitala ang zero crime sa unang araw ng paggunita ng Undas 2022.

Ayon kay PSSG. Darwin Japor, assistant team leader ng Lucena PNP sa naturang sementeryo, tahimik naman sa kanilang binabantayang sementeryo na mino-monitor pa rin hanggang sa ngayon.

“Peaceful naman siya pangkalahatan ‘yang wala naman tayong naging problema kung may mga nahilo man meron naman isa lang nandyan naman yung ating taga Lucena Disaster para umalalay,” saad ni Japor.

Naniniwala ang Lucena PNP na malaking bagay ang maagang paghahanda ng kanilang hanay na nagresulta ng walang gulo na paggunita ng Undas dalawang taon pagkatapos ng pananalasa ng pandemya dulot ng COVID-19.

Sinabi pa ni Japor na nitong mga nakaraang araw ay may mga tao na raw ang maagang pumunta sa sementeryo upang hindi na makikipagsiksikan sa paggunita ng Araw ng mga Patay dahilan para hindi dumagsa ang tao kahapon.

“Overall peaceful naman tsaka ‘yung dami ng tao kasi nung 31 madami na ring pumunta kaya siguro hindi ganon kadami ‘yung yung buhos, ‘yung volume,” ani Japor.

Pinasalamatan din ng pulisya ang ginawang mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan sa pagkontrol ng kanilang mamamayan sa pagpapasok sa mga ito sa mga sementeryo sa ilalim ng iba’t ibang polisiya at panuntunan gaya ng ‘no face mask, no entry policy’.

Pin It on Pinterest