News

Paghahatid ng tulong at suporta ng Brgy. Cuatro, patuloy sa isang paaralan ngayong ‘Brigada Eskwela’

Patuloy ang pagtulong at pag-abot ng suporta ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Cuatro sa Lungsod ng Lucena sa ilalim ng pamumuno ni Kapitana Editha Carurucan at SK Chairwoman Kathleen Joy Durante sa Brigada Eskwela 2023 na may temang: “Bayanihan sa matatag na paaralan tara na, magbrigada na tayo” sa Lucena East IX Elementary School.

Nitong umaga ng Biyernes, August 18 ay samo’t saring klase ng tulong ang iginawad ng mga opisyales ng barangay at iba pang stakeholders sa naturang paaralan gaya ng paglilinis sa school ground, classrooms at offices, paglilinis ng mga electric fan, pagputol ng mga sanga ng punung-kahoy, pagpupunas ng mga upuan at lamesa ng silid-aralan upang masiguro ang maayos na kalidad ng edukasyon sa mga kabataan.

Ayon kay Head Teacher III na si Cherry Alva P. Espedido, ang principal ng paaralan, handa na sila sa muling pagbubukas ng paaralan.

“Tayo po ay handang-handa na sa pagbubukas ng klase bagama’t nakikita niyo po na kami po ay nag-aayos pa, naglilinis pa,” saad ni Espedido.

Aniya, bukas daw ang kanilang paaralan sa anumang pagtulong ang nais ibigay sa kanila para sa mga mag-aaral dito na higit na makakatulong.

Nanawagan naman ni Gng. Elsa Rafael, Grade III Teacher ng paaralan at kasalukuyang School Brigada Coordinator, sa stakeholders na tumulong at makiisa sa Brigada Eskwela na umarangkada nitong Lunes August 14 hanggang August 19.

Sinabi pa nito, mahalagang makibahagi ang bawat sa isa mga nasabing aktibidad para maihanda ang mga paaralan at maiwasan ang mga sulinarin sa pagbubukas ng klase.

Nilinaw naman ng School Princial, na hindi sapilitan ang pagsama sa Brigada Eskwela.

Pin It on Pinterest