News

Pagkilala sa Barangay 9 bilang isa sa mga may maayos na pagpapatupad ng programa sa Child Development Center, ikinatuwa ng Punong Barangay nito

Isa ang Barangay 9 sa siyam na barangay sa Lungsod ng Lucena ang tumanggap ng certificate of appreciation mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Region IV-A CALABARZON dahil sa kanilang ipinakitang suporta at maayos na pagpapatupad ng mga programa sa kanilang Early Childhood Care Development Center.

Iginawad ang naturang pagkilala nitong Lunes, January 16, sa regular na flag rasing ceremony ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena.

Kaugnay nito, ikinagalak naman ng Punong Barangay na si Filipina Flancia ang iginawad na naturang pagkilala sa kanilang barangay dahil kabilang sila sa Outstanding Compliance to the Standards Early Childhood Care Development Center Based Program.

“Kami po ay natutuwa sapagkat ang Barangay 9 ay isa pong naawardan ng ating pamahalaan tungkol po dun sa programang Movement Against Malnutrition o MAMA na kung saan po ang ating mga kabataan o ating maliliit na bata ng 5 taon pababa ay nabigyan po natin ng magandang nutrisyon sa pamamagitan po ng pagpapakain namin sa kanila”.

Sinabi ni Flancia, nasa 20 benepisyaryo ang sumailalim sa programang Movement Against Malnutrition o MAMA ng Lucena LGU sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Mark Alcala sa loob ng 36 na araw.

Naging matagumpay daw ang programang ito sa kanila dahil nagkaroon ng malaking pagbabago ang lahat ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbigat ng timbang.

“Ang bata po ay titimbang lamang ng walong kilo o anim na kilo, sila po ay umaangat po ng limang kilo, walong kilo hanggang sampung kilo matataba po silang lahat”.

Patunay lamang ito na ang Barangay 9 ay patuloy ang pagtugon sa problema ng malnutrisyon sa nasasakupan.

Pin It on Pinterest