News

Pagpatay sa isang baboy ramo sa Banahaw-San Cristobal Protected Landscape, kinondena ng Tanggol Kalikasan

Kinondena ng Environment and Natural Resources Office – Tayabas City at ng Tanggol Kalikasan ang nangyaring pamamaril at pagkatay sa isang baboy ramo sa Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape ng mga armadong wildlife hunters.

Batay sa Tanggol Kalikasan, noong nakaraang ika-29 ng Setyembre personal na tumungo sa tanggapan ng Philippine National Police Station sa Lungsod ng Tayabas ang isang saksi sa ginawang pamamaril at pagkatay sa isang baboy ramo sa Banahaw.

Ayon sa salaysay ng saksi, noong Agosto 19, 2023 dakong 10:25 ng umaga habang nagsasagawa ng pagpapatrolya sa nasabing lugar, namataan nila sa nasasakupan ng protected area sa Brgy. Alitao, Lungsod ng Tayabas ang mga armado ng baril at gulok na sina Isabelo Javin, Melandres Javin at Michael Villarey kung saan isa sa mga nabanggit ay hawak ang isang baboy ramo na may sugat o gunshot wounds.

Dahil sa armado ang mga mangangaso noong mga oras na iyon at nangangamba sila sa kanilang kaligtasan, mas minabuti ng mga nakakita na tuluyan na lamang umalis sa lugar. Ang mga illegal wildlife hunters dala ang sugatang baboy ramo na noong una ay nagpupumiglas pa at tuluyang pinatay sa pamamagitan ng pagsaksak ng gulok ng isa sa mga mangangaso.

Ang pangyayari ay nakuhaan ng mga larawan ng mga saksi. Ang pangyayaring ito ay mariin kinukundina ng grupo ng Tanggol Kalikasan.

Ayon sa batas partikular sa Republic Act No. 9147 ay dapat na protektahan at pangalagaan ang mga wildlife at o buhay ilang sa ating bansa tulad ng baboy ramo na may mahalagang papel sa kalikasan.

Samantala, sa kasalukuyan ang mga armado ng baril na illegal wildlife hunters na natukoy ay hindi na nahuhuli sila ay masasampahan ng kaso ng paglabag sa wildlife act, NIPAS Act at kasong kriminal dahil sa paghahawak ng mga improvise na baril.

Pin It on Pinterest