Pailaw sa City Promenade ng Lucena, Gabi-Gabing Pinupuntahan ng mga Tao
Naging makulay at maliwanag ang City Promenade ng Lucena City Tourism Office sa kahabaan ng Heroes’ Lane at Bonifacio Drive sa Pleasantville Subdivision, Brgy. Ilayang Iyam sa Lungsod ng Lucena dahil sa makukulay na Christmas Light.
Ang mga motorista na dumadaan sa naturang lugar ay hindi maiwasan na tumigil para magpakuha ng litrato nila at mag-selfie.
Gaya na lamang ng pamilya ni Christa Mabel na mula pa sa Probinsya ng Cagayan Valley, sinadya raw nilang tumigil nang makita nila ito para magselfie at kunan ng litrato ang kanyang anak dahil madalang daw sa kanilang lalawigan ang mga ganitong klase ng pailaw.
“Maganda naman po siya tsaka malinis din po dito, first time ko lang pong makaranas ng ganito kasi sa probinsya po namin bihira lang po ‘yung mga ganito po, maganda po siya para magpicture po ‘yung anak ko kasi,” sabi ni Christa Mabel.
Patok na patok din sa mga residente ito dahil halatang na-miss ang ganitong gawain na hindi nagawa noong isang taon dahil sa lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Para kay Aldrin, nagbibigay saya ang promenade na ito sa kanya dahil sa makukulay na mga pailaw.
“Maganda po, ang ganda po kasi ng ilaw sabay marami pong upuan, masaya po tsaka kasama po mga kaibigan”. Pahayag ni Aldrin
Halos gabi-gabi naman nagtutungo sa lugar si Macy kasama ang kanyang mga kaibigan upang tumambay at magpakuha ng litrato dahil pakiramdam niya nakakarelax doon.
“Wala lang ang ganda kasi ditong tumambay, wala nakakarelax gawa nung mga lights,” pahayag ni Macy.
Isang karagdagan ang lugar sa ibat ibang tourist attraction na isinusulong ng Lucena City Tourism Office.