4K Nabakunahan Dahil sa Bakuna Bus ng Philippine Red Cross
4,000 na fully vaccinated at 2,053 naman ang first dose mula sa Bakuna Bus.
Ito ang pahayag ng Chief Administrator ng Philippine Red Cross Quezon Lucena City Chapter, Vic De Leon sa programang ‘Usapang Tapat ni Manong Nick’.
“Sumatotal po ay nakapagbakuna po tayo ng 4,000 na fully vaccinated at meron din po tayo sa ngayon na 2,053 na first dose,”ayon kay De Leon.
Aniya, limang barangay na sa Lungsod ng Lucena ang kanilang napuntahan at ang target nila ay ang barangay na may malaking populasyon at may mataas na kaso ng COVID-19 infection.
“sa ngayon po ang na-cover na po natin ‘yung Brgy. Isabang and then Brgy. Gulang-Gulang, ‘yung sa Isabang po apat na beses po kami dun nagpabalik-balik, ‘yung Gulang-Gulang naman nakalimang beses kami and then Kanlurang Mayao and then ‘yung Ibabang Dupay at saka ‘yung Ibabang Iyam,” sinabi ni De Leon.
Samantala, kasama din daw ang Philippine Red Cross Quezon Lucena City Chapter sa National Vaccination Days event sa Lungsod ng Lucena na gaganapin ng tatlong araw, November 29, 30 at December 1.
Ayon pa kay De Leon na sa Nov. 29 at 30, sila ay sa Brgy. Cotta dahil malaki ang nasasakop nito at to be announced naman ang sa December 1.