News

Panukalang palawigin ang diskwento na pinagkakaloob sa mga senior citizen, malaking bagay sa marami

Malaking bagay daw para sa mga ordinaryong mamamayan partikular na sa mga senior citizen ang panukalang batas na nagpapalawig sa diskwentong ipinagkakaloob sa mga senior citizen base sa itinatakda ng Expanded Senior Citizens Law.

Sabi ng senior citizen na si Wilfredo Fortus, malaking bagay talaga para sa mga nakatatandang sektor ang diskwento lalo na at patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ang naturang panukalang batas ay inaprubahan na ng House Ways and Means Committee.

Ayon kay Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes, nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng 15% na discount sa singil sa kuryente at tubig sa mga kabahayan na may nakatirang senior citizen.

Dagdag pa nito, ang naturang diskwento ay limitado lamang sa mga may konsumo ng hindi hihigit sa 100 kilowatts per hour ang konsumo ng kuryente at 30 cubic meters naman sa tubig.

Ang mga kwalipikado sa diskwento ay kailangang mag-update ng kanilang electricity and water utility accounts upang ipabatid sa utility companies na nakatira sa kanila ang isang rehistradong senior citizens.

Diin ni Ordanes, malaki ang maitutulong ng nasabing diskwento para sa mga mahihirap na senior citizen at kanilang pamilya na labis na nagdurusa sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin.

Pin It on Pinterest