News

Patuloy na taas-presyo sa pangunahing bilihin, ramdam pa rin ng mga mamimili

Ramdam pa rin ngayon ng mga mamimili ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na ipinatupad noong mga nakaraang buwan.

Kabilang dito ang ilang de lata, kape, gatas, instant noodles at condiments.

Ayon kay Aling Myla, sana raw magawan ito ng aksyon ng gobyerno.

“Sobrang laki, sobrang taas wala na, kasi ang taong bayan ang nagbabayad ng buwis natin eh saan naman magawan nila ng paraan,” ayon kay Myla Pantua.

Ganito rin ang saloobin ni Juvilyn tungkol sa usapin.

“Oo nga po napakamahal parang hindi na kakasya yung budget ng isang ano.”

Nilinaw naman ng Department of Trade and Industry o DTI na epektibo pa rin ang Suggested Retail Price o SRP ng mga pangunahing bilihin na kanilang inilabas noon pang Pebrero.

Sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na humihirit na ang mga iba’t-ibang manufacturers ng dagdag na taas presyo ng kanilang produkto.

Dagdag pa niya na kanilang pinag-aaralan pa rin ang nasabing hirit dahil mahalaga na mabalanse ang interes ng bawat sektor at mapangalagaan ang mga karapatan ng mga mamimili.

Patuloy din ang pag-iikot ng DTI sa mga pamilihan para matiyak na nasusunod ang itinakda nilang SRP.

Pin It on Pinterest