Presyo ng bulaklak asahan na raw ang pagtaas ng presyo sa Undas
Isang linggo bago ang araw ng mga patay halos wala pang paggalaw sa presyo ng mga bulaklak sa Lucena City Public Market, pero sabi ng mga maninindahan tiyak raw ilang araw bago mag-Undas tataas ang presyo nito na karaniwan na raw na nangyayari.
“Siguradong may pagtaas ‘yan kasi lagi naman taon-taon, kapag ganitong ano mura pa, pagdating sa may okasyon na minamahalan na sa Manila,” sabi ni Aling Sitas.
Ang ilang tindera kagaya ni Anna kumuha na ng maraming stock ng mga bulaklak sa Dangwa. Sa ngayon wala pa raw pagtaas sa presyo pero malamang daw na sa susunod na pag-angat nila ilang araw bago ang paggunita ng araw ng mga patay, tataas na ang presyo nito.
“Wala pa po,” kailan sa susunod na pagpunta ninyo? Sa 25 po pupunta na uli kami doon,” sigurado may pagtaas na ‘yan ano? opo siguro mga 70 na ang pagtaas,” sabi ng magbubulaklak na si Anna.
Mabenta raw na dalhin sa sementeryo tuwing araw ng mga patay ay ang bulaklak na Rados na nakabasket na, na ngayon ay mabibili pa lamang sa 100 pesos ang pinakamaliit.
Ilang araw bago ang Undas, sabi ng ilang maninindahan posibleng umabot ang presyo nito sa 150 pesos depende sa laki at dami ng bulaklak.
“Posibleng tumaas siguro mga 200, 250, 300,” sabi ni Rowena, tindera ng bulaklak.
Pero sabi ng ilang tindera ang magiging presyuhan ngayon ng bulaklak ay nakadepende pa rin sa dami nito at presyo sa kanilang pinagkukunan, kapag daw dagsa ang bulaklak sa Dangwa, kung tumaas man presyo sa Lucena posibleng maliit lamang.
“Hindi naman siguro ganun ka taas, may posibilidad pero hindi naman siguro kataas, sa Dangwa ba mataas na ng presyo? hindi pa naman po sa ngayon,” sabi ng maninindahan na si Rena.
Sa ngayon may pailan-ilang mga kostumer ang umu-order na ng mga bulalak para sa araw ng patay, pero matumal pa raw ang bentahan.
Ilang araw bago ang okasyon panalangin ng mga maninindahan na dagsain sila ng mga order at mamimili, makabawi man lang daw sa mga nagdaang taon na pinatay ng pandemya ang kanilang kabuhayan.