News

Presyo ng isda, tumaas sa Lucena City

Nagsimula nang tumaas ang presyo ng isda sa Pamilihang Panlungsod ng Lucena isang araw bago ang Bagong Taon.

Ayon sa mga nagtitinda sa lokal na pamilihan, tumaas ang presyo ng isda dahil sa kaunting mga mangingisda na pumapalaot dulot ng masamang panahon.

Naglalaro raw sa P100 hanggang P200 ang patong sa kada kilo ng ilang klase ng isda.

“Napakamahal po ng isda ngayon at walang mahuli ang mga maglalaot maalon, malakas ang dagat, malamig. Halos lahat nagmahal tulad ng talakitok dating P500 ngayon P700, Galunggong dating P200-P250 ngayon ay P350-P400 depende pa raw ito sa klase”, sabi ni Marilyn Briones.

“P280 mahal, mahal ang ano eh walang ano eh baka malamig ang panahon, may P260, may P200 hindi pare-parehas”, pahayag ni Belinda

Nananatili namang stable ang presyo ng Tilapia na nasa P140 kada kilo.

“Ganon pa rin po minsan po ay tumataas P140”, ayon kay Mylene.

Karamihan daw sa mga nagtaas na presyo ng isda ay mga isdang alat.

Masamang panahon ang nakikitang dahilan kung bakit mataas ang presyo ng isda ngayon.

Pin It on Pinterest