News

PrimeWater Quezon Metro, nais ipatawag ni Coun. Manong Nick Pedro sa SP Session ng Lucena

Nais ipatawag ni Lucena City Councilor Nicanor ‘Manong Nick’ Pedro Jr. sa susunod na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang pamunuan ng PrimeWater Quezon Metro hinggil sa nararanasang problema sa suplay ng tubig sa lungsod.

Ayon kay Konsehal Pedro, ilang Lucenahin na ang nagpa-abot sa kanya ng naturang reklamo.

Ang pahayag ay ginawa ng konsehal sa isinagawang regular na session ng Sangguniang Panlungsod nitong Martes ng umaga, August 29.

“Hindi lang isa o dalawa ang nagpaabot sa akin ng naturang reklamo dito mismo sa bayan na sila daw ay nakakaranas lang ng 1 oras ng suplay ng tubig, alas-5 hanggang ala-6 ng umaga,” saad ni Konsehal Manong Nick sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod nitong Martes.

Wala umanong malinaw na pahayag na inilalabas ang naturang water concessionaire sa problema kung kaya’t nais ng konsehal na ipatawag na sa sanggunian sa bahagi ng information hour ang PrimeWater upang marinig din ang panig at paliwanag nito.

“Sa madaling salita, hula, nanghuhula lang ang Lucenahin sa ganitong kalagayan,” dagdag pa ng konsehal.

Una nang inasahan ni Konsehal Manong Nick na mas bubuti pa ang paghahatid ng serbisyo ng suplay sa tubig dahil sa pinasok noon na joint venture agreement ng Quezon Metropolitan Water District o QMWD at PrimeWater Quezon Metro.

Pin It on Pinterest