Programa para sa mga RPWUDs sa Dalahican, muling umarangkada!
Muling umarangkada ang programang Cash for Work ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Dalahican sa Lungsod ng Lucena para sa kanilang mga Recovering Persons Who Used Drugs o RPWUDS sa ilalim ng pamumuno ni Kap. Roderick Macinas.
Ayon sa Chairman ng Committee on Peace and Order na si Kgwd. Luisito San Pascual, nasa ika-walong batch na umano ang naturang programa para sa mga RPWUDs sa lugar.
Aniya, isa ito sa mga nakikitang paraan ng pamahalaang barangay upang matulungan ang mga RPWUDs na makapagbagong buhay mula sa pagkakasadlak sa ipinagbabawal na gamot.
“Kung hindi po ako nagkakamali batch 8 na po ito marami na po kaming na-imbitahan na kagaya ng mga nag SIPAG sa tanggapan ng CADAC at yun pong mga nag 1 month reformation sa tanggapan din po na kung saan matapos silang sumailalim sa tanggapan ng CADAC hindi natin sila pwedeng pabayaan okay na kayo.”
Sasailalim ang mga RPWUDs sa sampung araw na paglilinis sa iba’t-ibang lugar na kanilang nasasakupan.
“Yun pong siyam na purok ng Barangay Dalahican yun po ang aming tinututukan yan pong open kanal tinatanggal po namin yung mga nakatakip dahil sinisiguro ko po na nitong mga susunod ang lakas na ng pag-ulan dyan dumadaloy yung pangunahing tubig kaya dapat tanggalin, P2500 po ang tatanggapin nila bawat isa.”
Dagdag pa ni San Pascual, bukod sa matutulungan ang nabanggit na mga benepisyaryo ay malaking bagay rin ito sa barangay upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan.
“Yun ay nataon na community service hindi naman komo sila ay naglinis ay syempre bibigyan din natin kahit kaunti dahil may pamilya sila na naaabala kumbaga meron naman silang extra work na natatanggap malaking bagay po sa kanila.”

