Programang Pangkabuhayan, Kaloob sa mga Aplikanteng Bigo Makahanap ng Trabaho
Bukod sa employment, nagkakaloob ang Lucena City Public Employment Service Office ng livelihood program sa mga mamamayan na hindi pinapalad sa paghahanap ng trabaho.
Ayon kay Cristina Encina, hepe ng PESO, nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng profiling at interview sa mga aplikanteng maaaring makatanggap ng programang pangkabuhayan at kapag nakapasa, ito ang kanilang irerekomenda sa livelihood program ng Department of Labor and Employment.
“Ima-match po natin sila, ipo-profile. Kapag po sila’y may kakayahang magpatakbo ng isang maliit na negosyo, sila po ay ating inirerekomenda para sa livelihood,” sabi ni Encina.
Bukas din daw ang programa hindi lamang sa mga indibidwal kundi maging sa mga grupo ngunit kailangan na nakarehistro ang samahan sa DOLE. Nitong Enero ay nakapagbigay na daw sila ng mga bangka sa limang samahan ng mangingisda sa lungsod.
“Last year itong January po, nagkaloob po ang Department of Labor through the office po natin at ni Mayor Dondon Alcala. Nakapagbigay po ng 21 motorboat, so worth po nun less than 2 million pesos,” saad ni Encina.
Ayon pa kay Encina, sumasailalim din ang mga benepisyaryo sa isang araw na financial management traing upang masigurong maayos na mapatakbo ang igagawad na negosyo.