May mga nanloloko para magkapera, ginagamit ang pangalan ni Vice Mayor Jhoanna Corona
Nagpalabas ng babala ang Lungsod ng Tanauan sa Lalawigan ng Batangas para sa mga residente at negosyante sa lungsod dahil sa ilang personalidad o grupo na ginagamit ang pangalan ni Tanauan City Vice Mayor Jhoanna Corona upang manghingi at magsolicit.
Base sa facebook page ng Tanauan City na Tanauan City’s Hope ay mayroon anilang mga tao na nagiikot at kunyari ay kukuha ng mga talent o model at manghihingi ng pera. Gayondin ay mayroon din anilang mga tumatawag sa mga hotels at restawran sa Tanauan City upang umorder na kaboses umano ni Vice Mayor Jhoanna Corona ang nakakausap sa telepono. Nilinaw ng Tanauan City Government na walang kinalaman dito ang bise alkalde at huwag basta maniniwala sa mga taong ginagamit ang pangalan nito upang makapanghingi o makapag-solicit.
Samantala sa Lalawigan ng Quezon ay nagkaroon din ng kaparehong insidente halos isang buwan pa lamang ang nakakalipas. Nagpaalala din ang Quezon Provincial Public Information Office ukol sa mga nagsu-solicit din para sa santacruzan na ang ginagamit umanong pangalan ay kay dating Congresswoman Aleta Suarez. Ayon sa Quezon PIO ay wala itong katotohanan.