Quezon Huskers, kinapos kontra sa 1Bataan Risers
Hindi umubra ang 24 puntos na nirehistro ni Judel Fuentes para sa Quezon Huskers nang talunin ng #12 seeded 1Bataan Risers, 85-82 sa 2nd game ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Caloocan Sports Complex, Agosto 27.
Miatatabla pa sana at magkakaroon ng overtime kung naipasok ni Fuentes ang three-point shot matapos maagaw ni Gab Banal ang bola kay Robbi Darang, 4 na segundo ang nalalabi.
Nahirapang humabol ang Huskers mula sa 13puntos na kalamangan ng Risers noong 1st quarter dahil sa matinding opensiba ni Mitchelle Maynes na nagtala ng double-double na 33 points at 15 rebounds para buhatin ang Bataan sa ikawalo nilang panalo.
Sinubukan pang dumikit ng #1 team ng South Division pagsapit ng 4th quarter ngunit laging may sagot si Maynes para muling umabante ang kanilang koponan.
Ito ang ikatlong talo ng Huskers sa kanilang huling limang laro at ikaapat naman sa buong season. May record na silang 18-4 na nanatili pa ring numero uno sa kanilang dibisyon.
Babalik sila sa Quezon Convention Center sa darating na Sabado, Agosto 31 para harapin ang kanilang rival team na Nueva Ecija Rice Vanguards na kasalukuyan namang #3 sa North Division na may record na 18-3.