Revised Revenue Tax Code of 2022 ng Quezon Province, Aprubado na!
Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang panukalang ordinansa na rebisahin ang revenue tax code ng lalawigan.
Ito’y matapos na sang-ayunan ng bumubuo ng mga bokal ng probinsya sa isinagawang regular na session ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw ng Lunes, December 5, 2022.
Ipinaliwanag ng chairman ng Committee on Ways and Means, Bokal Isaias B. Ubana II, ang kahalagahan ng buwis lalo’t higit sa lalawigan.
Ayon kay Ubana, ito ang pangunahing pinagkukunan ng pangangailangan ng lokal na pamahalaan upang makapaghatid ng kapaki-pakinabang na programa at proyekto sa mga Quezonian.
Pinangunahan ni Vice Governor Anacleto Alcala III ang pagpirma sa naturang ordinansa kasama ang mga bumubuo ng miyembro ng SP.
Matapos nito personal namang nagtungo si Governor Dra. Helen Tan sa Sangguniang Panlalawigan upang lagdaan ang nasabing ordinansa.
Samantala, bukod sa Revised Revenue Tax Code, iba’t ibang ordinansa at resolusyon ang ipinasa ng mga bokal na siyang makatutulong sa pag-unlad ng mamamayan at ng buong lalawigan.