Rider at angkas nito, patay matapos mabangga ng isang van sa Pagbilao, Quezon
Patay ang dalawang lalaki matapos masalpok ng isang van ang sinasakyan nitong motorsiklo sa kahabaan ng National Highway, Barangay Ibabang Palsabangon, Pagbilao, Quezon nitong Biyernes, Nobyembre 4.
Ayon sa report ng Pagbilao Police, dakong 11:15 ng gabi naganap ang aksidente na ikinasawi ng driver ng motorsiklo na si Glenn Abratique Andangan, 23-anyos, residente ng Barangay Sampaloc, Sariaya, Quezon at ng hindi pa nakikilalang lalaki na angkas nito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas umano ng van na minamaneho ni John Ryan Merle Tiñana, 32-anyos, ang direksyon patungong Bicol nang mag-overtake ito sa sasakyan sa kanyang unahan ngunit doon na nito nabangga ang naturang motorsiklo na nasa opposite lane.
Dead on the spot si Andangan habang nagawa pang isugod sa Quezon Medical Center ang angkas nito ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng sumuring doktor.
Nasa kustodiya na ngayon ng Pagbilao Municipal Police Station si Tiñana na posible ngayong maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide and Damage to Property.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa aksidente.