Salintubig Program para sa mamamayan, programa ng DILG
Nasa pitong bayan sa lalawigan ng Quezon ang nagpapatupad ngayon ng programang “Salintubig” Ayon kay Engr. Jhon Joseph Vasquez ng Department of the Interior and Local Government Quezon, layunin ng programa na mabigyan ng sapat at malinis na tubig inumin ang mga naninirahan sa pitong bayan kagaya ng Macalelon, San Narciso, Unisan, General Luna, Perez, Calauag at Panukulan sa lalawigan ng Quezon. Ayon pa kay Vasquez, nasa level 2 na ang programang “Salintubig” sa mga bayan at kapag umabot na sa level 3 ay maari nang makarating sa mga bahay-bahay ang daloy ng malinis na tubig.
3 phases ang programa, ang Phase 1 ay ang pag-develop ng spring o source ng tubig, Phase 2 ay ang paglalapit ng source sa mga barangay sa pamamagitan ng mga kinakailangang kagamitan hanggang sa makarating sa mga bahay-bahay o ang Phase 3. Nauna dito, nagsumite muna ng kani-kanilang project proposals ang mga lokal na pamahalaan ng pitong bayan sa lalawigan hanggang sa maaprobahan ng DILG.
Ang “Salintubig” ay programa ng nasyonal na pamahalaan na naglalayong matulungang magkaroon o madaluyan ng malinis na tubig ang mga bayan o barangay na walang tubig.