Seed fund, iginawad sa iba’t ibang organisasyon sa General Nakar
Tinanggap ng iba’t ibang samahan sa bayan ng General Nakar ang tulong pinansyal na mula sa lokal na pamahalaan para sa proyektong Agapay Pangkabuhayan sa Tubig Kanlungan.
Layon ng proyekto na ang mga miyembro o kasapi ng mga organisasyon ay magkaroon ng alternatibong pamamaraan ng pagkukunan ng hanapbuhay.
Iginawad ang seed capital sa mga benepisyaryo nitong Martes na pinangasiwaan ng Sustainable Integrated Area Development Project Office.
Pitong asosasyon ang nakatanggap ng P50,000 habang apat na grupo naman ang nakatanggap ng P100,000.
Nakiisa rin sa awarding ceremony ng seed capital si Municipal Treasurer Lourdes Tena, ilang kawani ng Philippine Army, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Maynilad.
Sa mensahe ni Mayor Eliseo Ruzol, sinabi nito na responsibilidad ng bawat isa na pangalagaan ang kalikasan na pinanggagalingan ng hanapbuhay at inaasahan ng lokal na pamahalaan na ang mga organisasyong ito ang mangunguna at magiging katuwang nila sa misyong ito.