News

Suspek sa pamamaril sa Tiaong, Quezon, huli sa hot pursuit operation

Nahuli na ng mga tauhan ng Tiaong Municipal Police Station at Quezon Police Provincial Office sa Sitio Burol, Brgy. Bukal ng bayan ng Tiaong, Quezon ang isang suspek sa pamamaril kay Cristopher Dita Magbayao na kinilala ang suspek na si Ryan De Guzman Dela Rosa nitong Lunes ng umaga, September 25.

Batay sa report ng pulisya, nagsagawa ng hot pursuit operation ang Tiaong PNP na pinangunahan ni PCPT. Ramil Malipol sa nasabing lugar at dito na naaresto ang suspek. Narekober sa kaniya ang isang motorsiklo na ginamit at damit na suot niya noong mangyari ang krimen nitong Sabado ng hapon, September 23 ng taong kasalukuyan sa Maharlika Highway, Brgy. Lalig ng naturang bayan.

Matatandaang nangyari ang pamamaril nitong Sabado ng hapon sa nasabing lugar.

Ang biktima na si Magbayao, ay residente ng Sitio Sandig, Brgy. Bukal ng nasabing bayan ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Ayon kay PCOL Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office o QPPO, ito ay bunga ng pagpupursige ng Quezon PPO na mabigyang hustisya ang mga biktima ng krimen.

Dagdag pa nito, patuloy ang mga operasyon ng kapulisan laban sa mga lumabag at nakagawa ng krimen upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa Lalawigan ng Quezon.

Pin It on Pinterest