News

Umiray Watershed Forest Reserve, isinusulong bilang ‘protected area’

Isinusulong ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng General Nakar, Quezon ang pagdeklara ng Umiray Watershed Forest Reserve bilang isang protected area.

Nakipagpulong nitong Lunes ang Community Environment Natural Resources Office o CENRO-Real, Quezon sa General LGU upang maiulat ng kanilang grupo ang isinagawang Protected Area Suitability Assessment (PASA) sa Umiray Watershed Forest Reserve.

Kabilang sa iniulat ay ang kabuuang katangian nito, ang mga tampok at natatanging halaman at hayop, maging ang socio-cultural at socio-economic na katangian ng lugar.

Layunin ng nasabing pagpupulong na mabuo at maisulong ang isang resolusyon mula sa Sangguniang Bayan ng General Nakar upang maging component protected area ng National Integrated Protected Area System (NIPAS) ang lugar sa ilalim ng kategoryang Protected Landscape.

Ayon sa DENR, matatagpuan sa Umiray Watershed Forest Reserve ang maraming matatandang puno at mayaman ito sa mga forest resources.

Pangunahing pinagkukunan din ito ng tubig at kuryente sa pamamagitan ng water wheel turbine sa irigasyon at at pinagmumulan ng kabuhayan tulad ng pagmimina, agrikultura, at pagsasaka.

Pin It on Pinterest