News

Volunteer Center, Binuksan ni Mayoralty Candidate Sunshine Abcede-Llaga para sa Pagsisimula ng Campaign Period

Isang Volunteer Center ang binuksan ni Lucena City Councilor at Mayoralty Candidate Sunshine Abcede-Llaga. Ang Volunteer Hub daw ang masisilbing pansamatalang tahanan para sa iba’t ibang aktibidad ng mga tagasuporta ni LLaga para sa pagsusulong ng kanilang kandidatura.

Sinabi ng kandidato sa pagka-alkalde, dito raw magsisimula ang kanilang kampanya sa pagbubukas ng campaign period sa ika-25 ng Marso para sa mga lokal na kandidato.

“So ito ang magiging tahanan ng mga volunteers at alam n’yo naman na ang kampanya namin, ang nasa gitna at puso nito ay ang mga volunteers,” sabi ni Coun. Abcede-Llaga.

Pebrero 26, nang pormal itong buksan sa bahagi ng Allarey St. Brgy. 3, Lucena City. Sa pagpapasinaya ng pasilidad, dinaluhan ito ng kanyang mga tagasuporta na tinatawag nilang Ating Lucena volunteers.

Marami sa mga volunteers na dumalo ay mga kabataan na pinasalamatan ni Llaga sa pag-aalay ng kanilang oras at paniniwala sa mga nais at pangarap ng opisyal para sa Lungsod ng Lucena.

Pasado alas kwatro ng hapon nang simulan ang ribbon cutting na simbolo na bukas na ito sa lahat ng mga tagasuporta ni Llaga at sa ibang pang naniniwala sa kanya.

Ang bawat sulok ng pasilidad ay binasbasan ng isang pare. Bago magtapos ang pagpapasinaya sa naturang pasilidad, isang pagbabasbas rin kay Coun. Sunshine Abcede ang iniwan ni Father Edwin Panergo para mabuting kalusugan at mabuting desisyon na naaayon sa kanyang kalooban at sa kalooban ng Diyos.

Sa pagbubukas nito, isang acoustic band ang tumugtog dito para sa isang maiksing kasiyahan. Samantala, kilala si Coun. Abcede-Llaga na isa sa mga nagsusulong sa kandidatura ni VP Leni bilang pangulo. Ang naturang pasilidad ay gagamitin din para sa paghahanda sa aktibidad ng kampanya ng Leni-Kiko Tandem.

Pin It on Pinterest