Warehouse at Storage Facility para sa relief operations ng Batangas itatayo na
Inaprubahan sa ginawang Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang PDRRMC Resolution 22 na naglalayong humiling ng fund re alignment mula sa Trust Fund nito para gamitin sa pagtatayo ng Provincial Warehouse and storage facility. Ang panukala ay inilahad ni PDRRMO Chief Joselito Castro kay Batangas Governor Hermilando Mandanas sa pagpupulong ng dalawang konseho noong nakaraang linggo sa Bulwagang Batangan sa Batangas City.
Ang 10 million peso project ay itatayo sa loob ng Provincial Capitol Complex na magkatuwang na pangangasiwaan ng PDRRMC at ng Provincial Social Welfare and Development Office. Inaasahang makakapag imbak dito ng malakihang bilang at bulto ng mga relief goods na ipapamigay sa oras na sumailalim ang Lalawigan ng Batangas sa disaster situations. Ayon kay Castro, mahalaga na magkaroon ng ganitong pasilidad sa lalawigan upang makatulong ito sa tinatawag na pre-positioning o paghahanda at pagdadala ng tulong sa anumang lugar sa lalawigan na tatamaan ng kalamidad.