₱21K, suswelduhin ng kada TUPAD beneficiary sa Alabat
Isang malaking tulong pinansyal ang nakatakdang tanggapin ng mga residente ng Alabat, Quezon matapos opisyal na ibaba sa munisipalidad ang proyektong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Mayor Eizelle “Ays” Canimo, 140 na Alabatin ang magiging benepisyaryo ng naturang programa. Makatatanggap ang bawat isa ng kabuuang sahod na ₱21,000.00 katumbas ng 35 araw na pagtatrabaho.
Target ng pamahalaang lokal na makakuha ng benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay.
“…ang pagpili ay dadaan sa endorso ng mga Punong Barangay, sapagkat sila ang higit na nakakaalam kung sinu-sino ang mga walang pinagkakakitaan sa barangay na kanilang nasasakupan,” pagbibigay-diin ng alkalde.
Nagpaalaala naman ang punongbayan na kailangang sundin at maisumite ang kumpletong requirements sa itinakdang panahon.
Inaasahang magsisimula ang deployment ng mga manggagawa oras na matapos ang pinal na validation ng mga dokumento.

