News

100% ng bata sa Brgy. 5, nabakunahan na sa “Chikiting Ligtas”

Nasa 100% na raw ang nabakunahan sa programang “Chikiting Ligtas” o ang Measles, Rubella-Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity para sa mga bata na may edad 59 months pababa na isinagawa sa Brgy. 5 sa Lungsod ng Lucena.

Ito ang pahayag ni Kapitan Eduard Sy Bang sa panayam ng Bandilyo at 89.3 FM Max Radio.

“100% na sa “Chikiting Ligtas” dahil ito ay talaga naming inaabyad lalong lalo na ‘yung ating mga daycare worker ay nakikiisa at ‘yung ating Magulangin ay nakikiisa rin na para ‘yung kanilang mga anak ay ligtas sa tigdas, rubella at corella,” ani Sy Bang.

Ang naturang programa ay pinangunahan ng City Health Office at Barangay Health Alliances o BHA ng nasabing barangay.

Ayon sa BHA na si Rowena Yayain, nagsagawa sila ng house-to-house vaccination upang mabilis na mabigyan ng mga nararapat na bakuna ang mga bata na angkop sa kanilang edad para maiwasan ang mga nasabing sakit

“Nag-fix post po kami tapos kailan lang kami MCR na po kami kumbaga wala po ditong na-miss. Nagpunta na dito yung DOH noong Monday kumbaga pasado po ang Barangay 5 na wala pong namiss na bahay,” sabi ni Yayain.

Aniya, may pailan-ilan na lang silang babalikan para bakunahan upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata sa lugar.

“Meron pa pong kasi nung pinuntahan po namin nung last ay wala daw po kasi nasa ibang barangay may ganon kasi pong ano eh halos lahat po ay meron naman meron lang po sigurong isa, dalwang private, katulad nito ngayon talagang inano lang po ni Ma’am Irene itong bata,” saad ni Yayain.

Ang mga nasabing sakit ay itinuturing na mga lubhang nakakahawa ngunit kayang maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna. Ang bakuna na gagamitin sa mga bata ay ligtas, epektibo, at ginagamit na ng ibang bansa para maproteksyunan ang mga bata mula sa mga sakit.

Sinabi ni Kapitan Sy Bang, layunin ng “Chikiting Ligtas” na maiwasan ang mga sakit na maaaring pagmulan ng mas delikadong mga komplikasyon kung hindi matutugunan nang maayos.

“Para hindi magkahawa-hawa kung saka-sakali na tayo ay magkakaroon ng ‘yung tinatawag natin ditong tigdas hindi agad mahawa ‘yung mga kabarangay naming,” sabi ni Sy Bang.

Ang Chikiting Ligtas ay tatagal ng buong buwan ng Mayo.

Pin It on Pinterest