News

Lalaki kritikal sa panibagong insidente ng pamamaril sa Lucena City

Mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng de motorsiklong salarin noong gabi ng May 25, 2023 sa tapat ng gate ng kanilang compound habang nakaupo at naglalaro ng mobile game sa kanyang cellphone sa Mars St., Jael Subd., Brgy. Ilayang Iyam, Lucena City.

Ayon sa ilang kaanak ng biktima, kritikal ngayon ang kondisyon nito sa pagamutan. Ang biktima ay kinilalang si Michael Alcantara Polintan, 37-anyos.

Batay sa report ng Lucena PNP, dakong alas 9:00 ng gabi nang mangyari ang pamamaril.

Kwento ng tiyuhin ng biktima, maaaring minanmanan na ang biktima. Madilim at halos wala na raw tao sa lugar nang mangyari ang insidente.

Batay sa salaysay, sa ‘di kalayuan sa kinaroroonan ng biktima, bumaba umano ang gunmen sakay ng motorsiklo at naglakad patungo sa biktima at pinaputukan ito ng dalawang beses. Humandusay ang biktima at ilang ulit pa raw na pinagbabaril. Ang gunmen ay kaagad na nagtungo sa kasamahan nitong nag-aabang sa ‘di kalayuan sakay ng motorsiklo at mabilis na tumakas.

Walong putok ng baril ang narinig sa lugar. Kaagad na isinugod ang biktima sa ospital.

Hinala ng ilang kaanak nito na sa pagiging asset umano nito ng pulisya ang posibleng isa sa motibo sa pamamaril.

Kaagad na nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya. Batay sa report ng Lucena PNP, isang suspek ang kanilang nadakip at pinaghahanap ang isa pa.

Sa kung anong totoong motibo sa pamamaril, patuloy raw ang imbestigasyon na ginagawa ngayon.

Bukod sa bakas ng dugo sa crime scene, kaninang umaga may dalawang tingga ng hinihinalang bala ng baril ang natagpuan pa sa lugar.

Ito na ang ika-limang shooting incident na naganap sa lungsod ng Lucena ngayong buwan ng Mayo.

Pin It on Pinterest